May Lihim ang Gabi
Psst! Alam mo bang ang gabi’y may lihim?
Sa katahimikan ng paligid,
Dalawang anino ang pumuslit
Nag-uunahan ang mga hakbang,
Tila may tinatakasan.
Kumukubli, pasilip-silip–
Isang hingang malalim
Bago lilingon sa kanan,
Titingin sa kaliwa
Animo’y nangangambang sila’y madakip.
Psst! Kilala mo ba ang mga pumuslit?
Sila’y patungo sa dalampasigan
Magpapahayag ng pagsinta
Saksi ang sinag ng buwan
At piping kindat ng mga tala.
Nakikita mo na ba sila?
Magkayakap nang mahigpit
May pananabik sa kanilang tinig
Kasabay ng banayad na alon
At mabining haplos ng hangin.
Psst! Kilala mo ba sila?
–magsusumbong ka ba?
Psst!
Ssshh…
May lihim ang gabi.
©2007 Salve Canale – Filipino verses





































